Monday, 6 March 2017

Tuliro ang aking isipan. Magulo hindi ko maiayos. Ang aking  nakasanayan bigla biglang hindi ko maibalik sa dati.

Ako ang may kasalanan. Alam kong kasalanan ngunit bakit parang ginusto ko ang lahat ng mga pinagdaanan.

Ano ba ang nangyayari sa akin. Bakit tila ang ugaling kabataan siyang bumalik ng walang alinlangan.

Matang nagtama sa ibang kailaliman ng mundo ang dinaanan. Madilim na mundo.

Parang tama pero mali. Parang masaya pero malungkot. Parang totoo pero isang kalokohan.

Pakigising ang aking diwa na tila naglalakbay sa kawalan. Pakibalik ang aking katauhan bago lumayag sa karagatan.

Katinuan sana ikaw ay aking makamtan.

Tuesday, 6 December 2016

Ikaw: Sa Aking Panaginip

Ika-anim ng Disyembre Taong Dalawang libo labing anim

Nanaginip ako kagabi, ikaw ang nasa panaginip ko. Alam ko na may kanya kanya na tayong buhay. Pero sa panaginip ko kahit na may iba na tayo, nagkita tayo pero nung magtagpo tayo sa isang lugar iniabot mo ang kamay mo at inabot ko din ito. Hindi ko alam bakit ko ginawa pero masaya ako na nahawakan kita.

Ang bata ng hitsura mo sa panginip ko parang nung dating nagaaral pa tayo ang mukha mo. Hati pa ang buhok  mo sa gitan. Sikatchupoy ka pa nga.  Ang mga ngiti mo masaya ng makita ako. Nagusap tayo at sabi mo iba ang trabaho mo. Isa ka ng mekaniko. Mula sa pagiging magaling sa mga teknolohiya napunta ka kamo sa isang maduming trabaho. Pero sabi mo masaya ka naman sa ginagawa mo kaya masaya rin ako para sa iyo.

Tinatawag na ako sa panaginip ko kakain na daw kami.  Andun din kumakain ang asawa ko. Wala siyang alam na nakita kita. Kunsabagay hindi ka naman niya kilala.  Nakita ko din ang nobya mo sa panaginip ko. Kasama siya ng kapatid mo may kinakain siya pero hindi mo naman siya pinuntahan para kausapin siya. Una hindi ko naman siya kilala at tsaka parang sinasabi ng mga mata mo na huwag akong lumapit sa kanya.  Ang kapatid mo naman nakatingin lang sa ating dalawa. Parang tinatawag ka na rin nya pero andun pa rin tayo nakatingin sa isa’t isa at naguusap.

Nagising na ako pero mabigat ang pakiramdam ko. Malungkot ako. Naiiyak ako. Naalala kita. Matagal na tayong magkahiwalay pero hindi ko alam bakit bigla akong nalungkot. Kunsabagay magkaibang mundo na ang tinatahak natin. Masaya ka na sa piling niya ako naman masaya rin sa piling ng aking asawa. Pero sa kabila pala nun nandito ka pa rin sa puso ko. Hindi ka nawawala. Siguro talagang hindi lang tayo ang itinalaga ng tadhana na magkasama habang buhay. Pero alam ko na kahit pagbali-baligtarin pa ang mundo hindi ka mawawala sa puso ko. Mayroon kang isang lugar na kahit na sino hindi pwedeng palitan. Sa iyo lang.

Minsan nakakapanghinayang na bakit nga ba hindi tumagal ang ang pagiging tayo. Siguro marami lang tayong hindi pinagkaunawaan. Marami tayong bagay na hindi pinagkasunduan. Marahil mga bata pa tayo nung nakaraan at nung nagkita naman tayong muli makatapos ang pitong taon para balikan ang dating iniwang pagmamahalan, marami na ring bagay ang nangyari.  Mga bagay na nangyari sa akin na hindi mo na kayang tanggapin. Patawad kung ang mga pangyayaring yun ang nakasakit sa iyo at naging hadlang para ituloy ang dati nating nasimulan.  Natuldukan ko ang dapat na ipinagpatuloy na nararamdaman.  Marahil ito nga ang nakasulat sa palad natin. Ang magkahiwalay nating tahakin ang buhay na iginuhit  para sa ating dalawa.

Ang hiling ko lang na sana kapag ikaw ay magisa, sana kahit paano maisip mo rin ako at ang masasaya nating pinagsamahan.  Sana may lugar pa rin ako sa puso mo gaya ng lugar mo sa puso ko.  Sana wag mong masamain na paminsan minsan ay sumagi ka sa isip at sa panaginip ko.  Kahit man lang doon makita ko ang masaya mong mukha. 


Huwag kang magalala masaya naman ako sa aking asawa. Siguro lang iba ang pagmamahal na ibinigay ko sa iyo noon at binibigay ko sa kanya ngayon. Pasensya ka na at hindi ko kaya pang ipaliwanag sa ngayon basta ang alam ko ganyan ang nararamdaman ko.