Ika-anim ng Disyembre Taong Dalawang libo labing anim
Nanaginip ako kagabi, ikaw ang
nasa panaginip ko. Alam ko na may kanya kanya na tayong buhay. Pero sa
panaginip ko kahit na may iba na tayo, nagkita tayo pero nung magtagpo tayo sa
isang lugar iniabot mo ang kamay mo at inabot ko din ito. Hindi ko alam bakit
ko ginawa pero masaya ako na nahawakan kita.
Ang bata ng hitsura mo sa
panginip ko parang nung dating nagaaral pa tayo ang mukha mo. Hati pa ang
buhok mo sa gitan. Sikatchupoy ka pa
nga. Ang mga ngiti mo masaya ng makita
ako. Nagusap tayo at sabi mo iba ang trabaho mo. Isa ka ng mekaniko. Mula sa
pagiging magaling sa mga teknolohiya napunta ka kamo sa isang maduming trabaho.
Pero sabi mo masaya ka naman sa ginagawa mo kaya masaya rin ako para sa iyo.
Tinatawag na ako sa panaginip ko
kakain na daw kami. Andun din kumakain
ang asawa ko. Wala siyang alam na nakita kita. Kunsabagay hindi ka naman niya
kilala. Nakita ko din ang nobya mo sa
panaginip ko. Kasama siya ng kapatid mo may kinakain siya pero hindi mo naman
siya pinuntahan para kausapin siya. Una hindi ko naman siya kilala at tsaka parang
sinasabi ng mga mata mo na huwag akong lumapit sa kanya. Ang kapatid mo naman nakatingin lang sa ating
dalawa. Parang tinatawag ka na rin nya pero andun pa rin tayo nakatingin sa isa’t
isa at naguusap.
Nagising na ako pero mabigat ang
pakiramdam ko. Malungkot ako. Naiiyak ako. Naalala kita. Matagal na tayong
magkahiwalay pero hindi ko alam bakit bigla akong nalungkot. Kunsabagay
magkaibang mundo na ang tinatahak natin. Masaya ka na sa piling niya ako naman
masaya rin sa piling ng aking asawa. Pero sa kabila pala nun nandito ka pa rin
sa puso ko. Hindi ka nawawala. Siguro talagang hindi lang tayo ang itinalaga ng
tadhana na magkasama habang buhay. Pero alam ko na kahit pagbali-baligtarin pa
ang mundo hindi ka mawawala sa puso ko. Mayroon kang isang lugar na kahit na
sino hindi pwedeng palitan. Sa iyo lang.
Minsan nakakapanghinayang na bakit
nga ba hindi tumagal ang ang pagiging tayo. Siguro marami lang tayong hindi
pinagkaunawaan. Marami tayong bagay na hindi pinagkasunduan. Marahil mga bata
pa tayo nung nakaraan at nung nagkita naman tayong muli makatapos ang pitong
taon para balikan ang dating iniwang pagmamahalan, marami na ring bagay ang
nangyari. Mga bagay na nangyari sa akin
na hindi mo na kayang tanggapin. Patawad kung ang mga pangyayaring yun ang
nakasakit sa iyo at naging hadlang para ituloy ang dati nating nasimulan. Natuldukan ko ang dapat na ipinagpatuloy na
nararamdaman. Marahil ito nga ang
nakasulat sa palad natin. Ang magkahiwalay nating tahakin ang buhay na iginuhit
para sa ating dalawa.
Ang hiling ko lang na sana kapag
ikaw ay magisa, sana kahit paano maisip mo rin ako at ang masasaya nating
pinagsamahan. Sana may lugar pa rin ako
sa puso mo gaya ng lugar mo sa puso ko.
Sana wag mong masamain na paminsan minsan ay sumagi ka sa isip at sa
panaginip ko. Kahit man lang doon makita
ko ang masaya mong mukha.
Huwag kang magalala masaya naman
ako sa aking asawa. Siguro lang iba ang pagmamahal na ibinigay ko sa iyo noon at
binibigay ko sa kanya ngayon. Pasensya ka na at hindi ko kaya pang ipaliwanag
sa ngayon basta ang alam ko ganyan ang nararamdaman ko.